Halos araw-araw, sinasalubong tayo pauwi ng A. Bonifacio. Makitid na kalsada ito, at ang pinakapamilyar na parte nito ay ang babaan ng mga pasahero, ilang dipa mula sa Simbahan. Sa mga araw na sumasakay ako sa pampublikong transportasyon, isang bagay ang nakaka-agaw sa aking paningin. Ang tindahan dito ng batu-bato, kwek-kwek, isaw,atbp. Di ko ito pinapansin noon, madalas nakakatikim lang ako ng batu-bato kapag nag-uuwi ang kapatid ko. Matindi kasing “fan” ng “street food” and kapatid ko.
Bilang residente ng Antipolo, hindi na sa akin bago ang konsepto ng “street food”. Kung tutuusin, ang suman, kalamay, kasoy, pwedeng tawagin din na ganoon. Sa kalsada rin naman sila binebenta, hindi ba? Pero kakaiba pa rin ang dating ng mga nakatusok sa stick, ng mga karne at laman-loob ng manok o baboy. Inihaw o prinito, kapag nakita natin, kumakalam man ang sikmura o hindi, napapabili tayo. Ang Pilipino nga naman, mahilig sa mga kakaiba, o “exotic” na pagkain. Sa madaling salita, lahat papatulan.
Bumalik tayo sa A. Bonifacio. Kagabi, kasama ko ang kapatid ko, bumaba kami ng shuttle. Nagpaligoy muna kami at sa unang pagkakataon naisipang ko bumili ng ilang batu-bato bago tuluyang umuwi. Napasarap kami ng kain; nakarami kami. Iba’t ibang klaseng tao ang kasabay naming kumain. May mga college students, mga empleyado, samu’t sari ang edad, samu’t sari ang estado sa buhay. May lola pa na kasama ang kanyang apo na bumili ng dinuguan pang-ulam. Aba, may pan-ulam pa! Nag-uwi pa kami ng molo soup. Agad naming pinagsaluhan sa bahay ang sopas. Masarap siya!
Kanina, niyaya ko ulit ang kapatid ko at ang isang kaibigan para bumalik sa bayan. Sinubukan naman naming ang prinitong chicken skin, inihaw na tenga ng baboy, at isaw ng manok. Marami pa rin tao, mas madami kesa kagabi. Mas masaya pa ang mga mukha, mas maaliwalas pa ang panahon. Biglang nagkatanungan, igawa ko kaya ng article ang “street food haven” na ito. Teka, tinalasan naming ang mga mata. Pwede, may lisensya ang small business na ito. Pwede, may lisensya ang small business na ito. Legal ang negosyo, walang sabit.
Si Manang, nakakatuwa, naalala ang mukha naming. Pati ang mga katulong niya sa pagtitinda, maasikaso.Masaya dumaan dito bago sumakay ng tricycle. Siguro, may malaking parte dito ang ngiti ni Manang. Minsan, subukan niyo.
Kanina, bago umuwi, naglakad-lakad kami sa ibang kalsada sa bayan. Marami pa akong hindi nabibisita, mga negosyong di pa nasisilip man lang. Hayaan niyo, sa susunod, maglilibot pa ako. Baka may maikwento pa ulit ako.
No comments:
Post a Comment